Anong sintomas ng COVID-19 ang unang lumalabas?
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang karaniwang sintomas ng COVID-19 ay lagnat, tuyong ubo o ubong walang plema, at pagkahapo. May mga tao na nakararanas ng sakit ng katawan, baradong ilong, sakit ng ulo, conjunctivitis o pink eye na tinatawag nating “sore eyes”, sakit ng lalamunan, pagtatae, pagkawala ng panlasa at pang-amoy, pantal sa balat, o pag-iiba ng kulay ng mga daliri sa kamay at paa.
Iba-iba ang epekto ng COVID-19 sa mga tao. Walumpung porsyento ng nakakukuha ng COVID-19 ay hindi malubha at kusang gumagaling, habang isa sa limang tao na nakakukuha ng COVID-19 ay nagkakasakit nang malubha at nahihirapang huminga.
May mga taong high risk o mas nanganganib na magkasakit nang malala kapag nakakukuha ng COVID-19. Ang mga nakatatanda, mga mahina ang immune system, at mga may pre-existing condition tulad ng mataas na presyon, sakit sa puso o baga, diabetes, o kanser ay mas nanganganib na magkasakit nang malala dahil sa COVID-19.
Lahat ng tao ay pwedeng makakuha ng COVID-19 at magkaroon ng malalang sintomas. Maraming nag-positibo sa COVID-19 kahit na anong edad, at nakararanas ng lagnat at ubo, hirap sa paghinga, paninikip o pananakit ng dibdib, at hirap sa pananalita o paggalaw.
Kung nakararanas kayo ng ubo o sinat, hindi naman kailangang magpunta agad sa ospital. Mas mabuting manatili sa bahay, bumukod sa mga miyembro ng sambahayan, at bantayan ang inyong mga sintomas.
Kung mapansin ninyong lumalala ang iyong sintomas, kung nahihirapan kayong huminga o nagkakaranas ng paninikip o pananakit ng dibdib, humingi kaagad ng tulong medikal.
Inirerekomenda na tumawag muna sa inyong doktor o ospital bago umalis ng bahay, upang matulungan nilang masuri kung mayroon kayong sintomas ng COVID-19 at kung paano kayo ligtas na makakukuha ng lunas.
Source: WHO