Mahina ang aking immune system. Paano ko mapoprotektahan ang aking sarili sa COVID-19?
Kung kayo ay may pre-existing condition kayo ay tinuturing na high risk o malaki ang inyong tsansang magkaroon ng malalang sakit mula sa COVID-19, at dahil dito kayo ay vulnerable kung makakuha kayo ng COVID-19. Kung ang inyong pre-existing condition ay higit sa isa, mas lumalaki ang inyong tsansang magkaroon ng malalang sakit mula sa COVID-19. Dahil dito, kailangang alam ninyo ang peligro bago kayo magdesisyon na lumabas ng bahay. Mahalaga ring gumawa ng plano para maprotektahan ang inyong sarili at mga kasama sa bahay.
Isaalang-alang ninyong iwasan ang pagsali sa mga aktibidad kung saan mahirap protektahan ang inyong sarili mula sa ibang tao, lalo na kung walang lugar para mag-social distancing. Lahat ng tao ay dapat magmatyag sa pagbawas ng pagkahawa at pagkalat ng COVID-19 lalo na sa ating mga mahal sa buhay, mga miyembro ng ating komunidad, at mga taong high-risk na magkaroon ng malalang sakit kung mahawa ng COVID-19.
Ang pinakamahalagang panuto ay iwasan ang pakikisalamuha sa mga taong hindi nakatira sa inyong bahay nang mas malapit sa 6 na talampakan at mas matagal sa 15 minuto. Ang kapaligiran kung saan kayo nakikisalamuha sa iba ay nakadaragdag sa peligro, halimbawa ang pananatili sa loob ng mga gusali kung saan hindi maganda ang bentilasyon ng hangin ay nakadaragdag ng tsansang makakuha ng COVID-19.
Kung kailangan ninyong lumabas ng bahay at makisalamuha sa ibang tao, panatilihing sundin ang mga payo upang ma-protektahan ang inyong sarili sa pamamagitan ng paghuhugas ng kamay, pagso-social distancing, at pagsusuot ng personal protective equipment o kagamitang pamproteksyon sa sarili tulad ng face mask o telang pantakip sa mukha.
Magdala rin ng mga sumusunod habang nasa labas ng bahay: pamalit na face mask, tisyu, hand sanitizer na may 60 porsiyentong alcohol o higit pa. Iwasan ang mga taong hindi nagsusuot ng face mask. Panatilihin ang social distancing.
Sumangguni sa inyong healthcare provider kung paano nakakaapekto ang inyong mga pre-existing condition sa tsansang makakuha ng malalang sakit mula sa COVID-19. Ito ang magbibigay sa inyo ng kakayahan gumawa ng mga konkretong desisyon upang mapangalagaan ang inyong sarili laban sa sakit. Tumawag sa inyong provider kung kayo ay may pagkabahala tungkol sa inyong kalusugan, at huwag mag-atubiling tumawag ng emergency kung kayo ay nakararanas ng malalang sintomas ng sakit.
Source: CDC
Translation reference: Diksyonaryong COVID-19