Bumalik sa panimula

Medikal

Lumabas na positibo ang aking COVID-19 test. Ano ang dapat kong gawin?

Kung kayo ay nakatira sa Los Angeles County at kayo ay may COVID-19, kailangan ninyong bumukod sa lahat ng tao, ipaalam sa inyong mga close contact na kailangan nilang mag-quarantine, at sumunod sa opisyal na panukala para sa isolation.

Ang ibig sabihin ng close contact ay ang mga tao na inyong nakasalamuha nang mas malapit sa 6 na talampakan sa loob ng 15 minuto, o nagkaroon ng exposure sa inyong mga body fluids tulad ng laway o bahing. Sila ay tinuturing na close contact kung naubo o bumahing kayo nang malapit sa kanila at hindi sila nakasuot ng pantakip sa mukha tulad ng face mask, kung gumamit kayo ng iisang kagamitang pangkain o pang-inom, o di kayaā€™y inalagaan nila kayo nang hindi nakasuot ng tamang personal protective equipment o kagamitang pamproteksyon sa sarili.

Mahalagang malaman ninyo na kayo ay maaaring makahawa mula sa ikalawang araw bago lumabas ang sintomas ng COVID-19 at hanggang matapos ang inyong pag-isolate sa bahay. Ibig sabihin nito ay maaari kayong makadagdag sa pagkalat ng COVID-19 sa ibang tao nang hindi ninyo nalalaman.

Kung lumabas na positibo kayo sa COVID-19 ngunit hindi kayo nagpakita ng sintomas ng sakit, kayo ay tinuturing pa ring nakahahawa mula sa ikalawang araw bago isinagawa ang inyong test hanggang 10 araw matapos lumabas ang positibong resulta.

Karamihan ng mga taong may COVID-19 ay nakararanas ng banayad na sintomas at kadalasang gumagaling na lamang sa bahay.

Para mapabilis ang inyong paggaling, magpahinga nang mabuti at uminom ng maraming tubig. Kung kayo ay may sinat, maaari kayong uminom ng gamot na nagpapababa ng temperatura tulad ng acetaminophen.

Para sa mga batang mas mababa sa 2 taong gulang, iwasang silang bigyan ng kahit anong gamot nang hindi kumokonsulta sa doktor.

Para sa mga taong 65 taon pataas o mga taong may pre-existing condition tulad ng high blood, mga isyu sa puso o baga, diabetes, o kanser, mahalagang tumawag sa inyong healthcare provider dahil maaaring kayo ay high-risk, o malaki ang tsansang makakuha ng malalang sakit mula sa COVID-19.

Makakukuha kayo ng tawag mula sa LA Public Health o sa 1-833-641-0305. Kung hindi kayo makakuha ng tawag, pinakikiusapan kayong makipag-ugnay sa 1-833-540-0473 mula ika-8 ng umaga hanggang ika-8:30 ng gabi sa buong linggo.

Source: LA Public Health

Ang artikulong ito ay isinulat at inedit ng Tayo editorial desk at sinuri ng isang independiyenteng panel ng mga eksperto sa paksa.

Matuto pa

Mga kaugnay na artikulo