Maaari ba akong mahawa ng COVID-19 sa mga kabataan?
Ayon sa World Health Organization (WHO), kahit sino ay maaaring mahawa at makahawa ng COVID-19 anuman ang inyong edad, at maaaring makakuha ng COVID-19 ang inyong mga anak o apo na magbabalik-eskwela.
Maaaring mahawa at makahawa ng COVID-19 ang mga maliliit na bata at tinedyer, kahit na hindi sila magpakita ng mga sintomas o magkasakit nang malala.
Ang COVID-19 virus ay maaaring kumalat sa ibang tao sa pamamagitan ng droplets o maliliit na patak galing sa ilong o bibig. Kumakalat ang mga ito kapag ang taong may COVID-19 ay umuubo, bumabahing, o nagsasalita.
Maaari kayong makakuha ng COVID-19 kapag ang mga maliliit na patak na nagdadala ng virus ay malanghap o maipahid sa mga mata o sa bibig.
Heto ang ilang mga simpleng paraan para maprotektahan ninyo ang inyong sarili mula sa COVID-19 habang may kasamang kabataan sa bahay:
Panatilihing malinis ang sarili bilang pangunahing proteksyon laban sa sakit. Palagiang maghugas ng kamay gamit ang tubig at sabon, at tuyuin ang mga ito nang mabuti pagkatapos. Kung walang tubig at sabon, gumamit ng sanitizer na may 60 porsyento o mas mataas na alkohol.
Magsuot ng face mask. Dapat mayroong dalawa o higit pang layer ang inyong telang pantakip sa mukha. Suotin ang face mask sa ibabaw ng ilong, bibig, at baba. Hindi dapat magsuot ng face mask ang mga batang dalawang taong gulang at pababa, mga taong nahihirapang huminga, at mga taong hindi kayang magtanggal ng face mask nang walang tulong ng iba.
Kung kailangan ninyong umubo o bumahing, takpan ang bibig ng tisyu o bumahing sa loob ng nakabaluktot na siko. Tandaang itapon ang mga ginamit na tisyu sa basurahang may takip, at agad maghugas ng kamay at braso.
Hangga’t maaari, huwag hawakan ang inyong mga mata, ilong, at bibig. Humahawak ang inyong mga kamay sa mga surface na maaaring pinamamahayan ng virus. Kung kukusutin ninyo ang inyong mga mata, hahawakan ang ilong at bibig matapos humawak sa mga surface na hindi malinis, malaki ang tyansang makakuha ng COVID-19.
Panatilihin ang social distancing o pagdistansiyang sosyal. Pinapayuhan kayo ng inyong lokal na pamahalaan na manatili sa bahay para sa inyong kaligtasan, kaya mahalagang sundin sila sa abot ng makakaya. Kung mag-eehersisyo sa labas, sundin ang regulasyon batay sa inyong komunidad. Kung kailangan ninyong lumabas, umiwas sa umpukan ng tao at panatilihin ang anim na talampakang distansya sa iba.
Iwasang bisitahin ang inyong mga kapamilya at kaibigan sa kanilang bahay, at huwag munang tumanggap ng mga bisita. Kung ang inyong tagapangalaga tulad ng caregiver o physical therapist ay nagpupunta sa inyong bahay, hilingin sa kanila na magbantay ng sintomas ng COVID-19.
Linisin at disimpektahin ang lahat ng mga surface na madalas hawakan. Ang mga lugar na hinahawakan at ginagamit ng lahat, tulad ng kusina at banyo, ay kasama sa mga kailangang linisin nang madalas. Ang mga door knob, switch ng ilaw, keyboard, kubeta, sink, at iba pang surface ay maaaring maging sanhi ng pagkalat ng COVID-19, kaya dapat silang isama sa listahan ng mga lilinisin sa bahay.
Source: WHO