Bumalik sa panimula

Medikal

Paano ako magiging ligtas sa COVID-19 kapag nasa labas ng bahay?

Maigting na itinatagubilin sa lahat na manatili sa bahay hangga’t maaari, maliban sa mga pagkakataong kailangan ninyong lumabas para sa mga gawaing lubhang kailangan, tulad ng pagbili ng pagkain at mga suplay na medikal.

Alalahanin ninyo ang tatlong bagay na dapat iwasan habang may banta ng COVID-19: masisikip at saradong lugar, maraming tao, at malapit na pakikisalamuha sa ibang tao.

Iwasan ang mga masisikip at saradong lugar na walang masyadong bentilasyon. Mainam na magpunta sa mga lugar na maganda ang paglabas-masok ng hangin. Ang mga lokasyong nasa labas ay mas ligtas kaysa sa mga nasa loob, depende sa dami ng tao.

Panatilihing malinis ang inyong sarili, lalo na ang paghuhugas ng kamay at pagdidisimpekta gamit ang sanitizer na may 60 porsyentong alkohol o higit pa. Magsuot ng kagamitang pamproteksiyon sa sarili tulad ng face mask, face shield, gwantes, at iba pa kung mayroon.

Iwasan ang paghawak sa inyong mukha, lalo na sa inyong mga mata, ilong, at bibig. Huwag makisalo sa pagkain, inumin, laruan, at iba pang kagamitan ng ibang tao. Disimpektahin ang mga common surface na hinahawakan ng lahat. Dagdagan ang bentilasyon sa pamamagitan ng pagpunta sa labas o pagbukas ng bintana.

Bawasan ang pakikisalamuha sa ibang tao. Panatilihin ang social distancing o pagdistansiyang sosyal at lumayo sa ibang tao hangga’t maaari.

Source: LA Public Health

Translation reference: Diksyonaryong COVID-19

Ang artikulong ito ay isinulat at inedit ng Tayo editorial desk at sinuri ng isang independiyenteng panel ng mga eksperto sa paksa.

Matuto pa

Mga kaugnay na artikulo