Nagtatanong ang mga anak ko kung bakit hindi namin makikita ang aming pamilya sa mga espesyal na okasyon. Paano ko ipaliliwanag ang COVID-19 sa kanila?
Kung kayo ay nananatiling ligtas sa bahay kasama ang maliliit na anak nang marami nang buwan, maaaring naipaliwanag na ninyo sa kanila ang tungkol sa COVID-19. Gayunpaman, ang mga maliliit na bata na hindi nakalalabas upang makita ang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan sa loob ng ilang buwan ay maaari pa ring magtaka kung bakit hindi kayo madalas nakikipagdiwang ng mga espesyal na okasyon di tulad ng dati.
Malamang na naririnig ng inyong mga anak ang tungkol sa COVID-19, kaya siguraduhing nakakukuha sila ng tamang impormasyon habang nababawasan din ang kanilang pagkabalisa o takot. Narito ang ilang mga paraan kung paano ninyo maaaring talakayin ang coronavirus sa inyong mga anak:
Maging bukas sa pakikipag-usap sa inyong mga anak. Maglaan ng oras upang makipag-usap at makinig sa inyong mga anak. Ipaalam sa kanila na maaari silang magpunta sa inyo kung mayroon silang anumang mga katanungan. Iparamdam sa kanila na tanggap ninyo anuman ang tanungin nila at sasagutin ninyo ang mga ito sa abot ng inyong makakaya, upang makaranas ng kaligtasan at pagtitiwala ang inyong mga anak.
Manatiling kalmado. Tandaan na ang mga bata ay tutugon sa inyong sinabi at kung paano ninyo ito sinabi. Kapag pinag-uusapan ang tungkol sa coronavirus lalo na ang mga bagong balita, gumamit ng kalmadong boses. Ipaalam sa kanila na normal lang na makaramdam ng pagkabalisa tungkol sa mga nangyayari sa paligid, ngunit ipaalam sa kanila na ligtas sila. Imbitahin silang talakayin ang coronavirus. Ito ay isang pagkakataon upang maiparating ninyo ang mga katotohanan nang matapat at tumpak.
Tiyaking ang impormasyong ibibigay ninyo sa kanila ay totoo at naaangkop para sa kanilang edad at antas ng pang-unawa. Bilang karagdagan, maaari rin kayong magbigay ng karagdagang impormasyon sa pinakamahusay na paraan na nakaiintindi ang inyong mga anak. Halimbawa, kung ang learning style ng inyong mga anak ay visual o auditory maaari kayong magbigay ng materyal, sa anyo ng isang dokumentaryo o podcast, na maaari nilang maintindihan at magustuhan.
Iwasan ang wika na maaaring humantong sa stigma at pagsisi sa iba. Tandaan na hindi namimili ang virus at sinuman ay maaaring kapitan ng virus at magkasakit. Huwag gumawa ng mga kuro-kuro kung sino ang maaaring magkaroon ng coronavirus, lalo na ayon sa kanilang sitwasyon sa buhay o lahi. Iwasang gumawa ng mga negatibong komento tungkol sa iba sa harap ng inyong mga anak.
Turuan ang mga bata ng mga naaangkop na gawi upang mabawasan ang pagkalat ng mga mikrobyo. Ipaalala sa mga bata na hugasan nang maayos at madalas ang kanilang mga kamay. Sabihin sa kanila na lumayo mula sa mga taong umuubo, bumabahing, o halatang may sakit. Gayundin, paalalahanan sila na umubo o bumahin sa isang tisyu o loob ng siko, pagkatapos ay itapon ang tisyu na iyon sa basurahan. Sabihin sa kanila na huwag makibahagi ng inumin o pagkain sa ibang tao.
Panghuli, tiyakin na ang inyong mga anak ay nananatiling konektado sa mga mahal sa buhay na hindi ninyo kasama sa bahay. Mayroong iba't ibang mga platform para sa video conferencing na magagamit na may iba't ibang mga feature.
Source: LA County