Nakararanas ako ng pagkabalisa. Ano ang aking gagawin?
Ang buhay sa panahon ng pandemya ay nakapagdudulot ng mas matinding stress sa lahat. Habang naaapketuhan ng COVID-19 ang ating komunidad, naaapektuhan din ang bawat tao sa iba't-ibang paraan.
Ang makaranas ng kawalang-katiyakan at takot ay normal sa panahon ngayon, subalit ang matagal na pagkalungkot at pagkatakot ay maaaring tumutukoy sa mas malalang pangangailangang mental health. Ang mga isyu na ito ay mabuting isangguni sa mga mental health professional.
Normal lamang ang stress sa ating buhay. Subalit may mga uri ng stress na nagmumula sa mas mabibigat na bagay, tulad ng pandemya, na nakakaapekto sa ating kakayahang makaagapay.
Depende sa inyong pinagmulan, tibay ng inyong support system, estadong pinansyal, disposisyon sa buhay, kung saan kayo nakatira at marami pang ibang aspeto, maaaring iba ang inyong mga karanasan sa panahon ng pandemya kumpara sa ordinaryong panahon.
Itinataguyod ng public health ang pagbabawas ng pakikipag-ugnayan upang pigilan ang pagkalat ng virus. Dahil dito, maging ang mga taong may positibong pananaw sa buhay at madaling nakakaagapay sa mga pagsubok ay maaaring makaranas ng pagkabalisa at pangamba.
Kung kayo ay nakararanas ng pagkabalisa dahil sa mahabang pag-iisa, kung mas napapansin ninyo ang matinding paranoia o pangamba na walang dahilan, at kung nawawalan kayo ng ganang tapusing ang mga gawain sa araw-araw, mabuting sumangguni sa isang mental health professional upang tulungan kayong mag-proseso ng inyong mga emosyon at gumawa ng paraan upang makaagapay sa anuman ang inyong kinakaharap.
Maaari kayong humanap ng mental health professional na nag-aalok ng serbisyo sa pamamagitan ng telehealth, at maglaan ng panahon upang matulungan ang inyong sarili na magkaroon ng pag-asa at malinaw na pag-iisip.
Kung kayo naman ay may provider na para sa inyong mental health na pangangailangan, patuloy na sumangguni sa pamamagitan ng telehealth at sundin ang payo ng inyong doktor. Ilan lamang ito sa mga paraan upang maging malusog ang ating katawan at isipan habang nananatiling ligtas sa ating tahanan.