Paano ko kakayanin ang stress sa trabaho sa panahon ng COVID-19?
Binago ng COVID-19 ang paraan kung paano tayo magtrabaho. Nagdudulot ng pagkabalisa at pangamba ang pandemya sa ating trabaho, maliban pa sa stress na dala ng pagtatrabaho sa ating tahanan o kaya naman sa panganib na makakuha ng COVID-19 bilang essential worker.
Narito ang mga paraan upang makaagapay ang stress dulot ng trabaho na may kinalaman sa COVID-19:
- Unawain kung paano lumalabas ang stress sa inyong pag-iisip, damdamin, at kilos. Maaari kayong makaramdam ng samu’t saring emosyon katulad ng galit, kawalan ng motibasyon, pagiging overwhelmed o hindi alam kung ano ang uunahin at burnout o biglang pagbagsak ng kakayahang pisikal, emosyonal, o mental dahil sa matinding pagod, at hirap sa pagtapos ng mga gawaing pang-araw-araw.
- Gumawa ng plano upang makabangon sa pagkalugmok at para mabawasan ang stress dulot ng trabaho. Alalahaning hindi kayo nag-iisa sa inyong pinagdaraanan, na ang lahat ay sumusubok makasabay sa bagong paraan ng paghahanapbuhay. Bigyan ang inyong sarili ng pagkakataon upang matutunan ang pinakamainam na paraan na akma sa inyo.
- Makipag-ugnay sa inyong mga katrabaho at employer at magbahagi ng mga best practice para maging produktibo sa tahanan. Sa pagiging bukas sa feedback kung paano magagampanan nang mahusay ang inyong trabaho sa kabila ng bagong sitwasyon, nakakukuha kayo ng pagkatuto mula sa iba at naipapaalam din ninyo sa mga kasamahan sa trabaho kung paano nila kayo masusuportahan kahit kayo ay magkalayo.
- Kung kayo ay nagtatrabaho sa inyong tahanan, maglaan ng espasyo na para lamang sa pagtatrabaho at magtalaga ng oras para sa trabaho at sa personal na buhay. Maglalaan ng oras na kayo ay offline para makapagpahinga, maasikaso ang mga gawaing personal, at makapaglibang.
- Tandaan din ninyong kumain at matulog sa tamang oras dahil madalas itong makalimutan gawin ng mga nagtatrabaho sa bahay.
- Humingi ng tulong kapag kailangan. Lahat man ay nakararanas ng mga pagsubok na makaagapay sa panahon pandemyang COVID-19, tayo rin ang magtutulungan upang makaagapay sa mga hamong kinakaharap.
Maaari kayong sumangguni sa inyong mga mahal sa buhay o sa mental health professional kapag hindi na ninyo kaya ang pasanin nang mag-isa. Humingi na ng tulong kapag nahihirapan kayong tapusin ang mga gawaing pang-araw-araw at para sa trabaho, kapag nagpapakalango na kayo sa alak, sa ipinagbabawal na droga, at mga ligal na gamot (kabilang na ang resetang gamot), at kapag kayo ay nakakaisip na saktan ang inyong sarili o magpakamatay.
Maaari ninyong kontakin ang mga sumusunod na linya upang humingi ng saklolo:
- 911
- Substance Abuse and Mental Health Services Administration’s (SAMHSA) Disaster Distress Helpline sa numerong 800-985-5990
- National Suicide Prevention Lifeline sa numerong 800-273-8255
- Crisis Text Line sa pamamagitan ng pagpapadala ng salitang TALK sa text tungo sa numerong 741741